Hubert laya na!
MANILA, Philippines - Tuluyan nang nakalaya ang mga pangunahing akusado sa kontrobersiyal na “Vizconde Massacre” matapos ipawalang sala kahapon ng Korte Suprema.
Sa botong 7-4-4 ng Supreme Court (SC) en banc, inabswelto si Hubert Webb at mga kasama nitong sina Antonio Lejano, Miguel Rodriguez, Michael Gatchalian, Hospicio Fernandez, Peter Estrada at Gerardo Biong dahil sa kabiguan ng prosekusyon na patunayan na nagkasala ang mga akusado sa kontrobersiyal na kaso noong June 30, 1991.
Sa paglalabas ng desisyon, sinabi ni SC spokesman at Court Administrator Jose Midas Marquez na hindi ginamit na batayan ng Korte Suprema ang nawawalang DNA sample na nakuha mula sa biktimang si Carmela Vizconde, at sinabing ang pinagbatayan nila ay ang testigo sa kaso kung saan lumilitaw na ang pangunahing eye witness na si Jessica Alfaro ay isang asset umano ng National Bureau of Investigation (NBI).
Kinonsidera din ng SC sa pag-abswelto sa mga akusado ang tatak ng pasaporte ni Webb na nanggaling ito sa Estados Unidos ng maganap ang krimen.
Final and executory na ang desisyon ng SC at hindi na umano maari pang maghain ng motion for reconsideration (MR) ang kampo ni Lauro Vizconde dahil sa mangangahulugan na ito ng double jeopardy o hindi na muli sila maari pang sampahan ng katulad na kaso.
Sinabi pa ni Marquez na maaring kasuhan sa Department of Justice (DOJ) ang prosecution panel na nagpakulong sa mga akusado matapos silang maabswelto at mapatunayang walang sala sa kasong multiple murder.
Kabilang sa mga pitong mahistrado na pumabor sa pagpapawalang sala sa mga akusado sina Justices Roberto Abad, Conchita-Carpio Morales, Diosdado Peralta, Jose Perez, Jose Catral Mendoza, Ma. Lourdes Serreno at Lucas Bersamin.
Tumutol naman sina Chief Justice Renato Corona, Justices Arturo Brion, Teresita de Castro at Martin Villarama. Hindi bumoto o nag-inhibit sina Justices Antonio Carpio, Presbitero Velasco, Antonio Eduardo Nachura at Mariano del Castillo.
Matatandaan na natagpuang tadtad ng saksak at wala ng buhay ang mag-iinang Estrelita, Carmela at Jennifer sa kanilang bahay sa BF Homes Parañaque noong Hunyo 30, 1991.
Samantala bukod sa pitong akusado, patuloy namang nakakalaya sina Joey Filart at Artemio Ventura.
- Latest
- Trending