Pag-IBIG kinasuhan sa korte
MANILA, Philippines - Sinampahan na ng kasong civil ng Globe Asiatique Realty Holdings Corp. (GARHC) ang Home Development Mutual Fund (HDMF) o Pag-IBIG Fund sa Makati Regional Trial Court dahil umano sa pagbalewala at tuluyang pagkansela sa nakasaad sa kontrata sa nasabing housing agency.
Kabilang sa kinansela ng Pag-IBIG ay ang nakasaad sa Memorandum of Agreement na sinelyuhan noong July 13, 2009, ang Funding Commitment Agreement at Collection Servicing Agreement.
Sa kasong isinampa ng GARHC sa Makati, kanilang hiniling sa korte ang pag-atas sa Pag-IBIG na tanggapin ang iniaalok na kapalit na buyers ng kompanya para sa itinuturing na “delinquent borrowers” ng Pag-IBIG, bahagi ng napagkasunduang 5-year buyback guarantee.
Ipinare-release rin ng GARCH sa Pag-IBIG Fund ang naka-pending na collectibles o loan take-outs sa loob ng tatlong buwan mula Hulyo hanggang Oktubre 2010 na nagkakahalaga ng P6.5 million.
Humihingi rin ang Globe Asiatique ng P500,000 para sa exemplary damages, P500,000 sa litigation expenses, at P1 million para sa attorney’s fees.
- Latest
- Trending