NCRCOM terror report nakakalito
MANILA, Philippines - Nagkakagulo umano ngayon sa Camp Aguinaldo matapos na ilabas ng pinuno ng National Capital Regional Command ng military ang isang report ukol sa apat na grupo ng mga terorista na nasa Metro Manila.
Ang ulat ni dating NCRCOM chief Major Gen. Arthur Tabaquero, miyembro ng PMA Class 78, ay nagbunsod upang maalarma ang mga opisyal ng military intelligence na ngayon ay hinahanap kung sino ang nag-leak ng naturang ulat sa media.
Pinasinungalingan ng naturang ulat ang naunang pahayag ni Defense Sec. Voltaire Gazmin na binalewala ang mga travel advisory ng Estados Unidos, Australia at Britain laban sa Pilipinas. Pinasinungalingan din ni Gazmin ang sinasabing mga terorista sa Metro Manila.
“Maaaring naniniwala si Tabaquero na ang kanyang ulat ay babaguhin bago ito makarating sa itaas kung kaya’t kanya itong ni-leak,” wika ng isang retiradong miyembro ng military.
Kinilala ng ulat ni Tabaquero ang mga teroristang grupo na nasa Metro Manila na Jemaah Islamiyah (JI), Abu Sayyaf, Rajah Solaiman Movement at isang special operations group ng MILF na ang puntirya ay ang Manila at kalapit na lungsod.
Idiniin naman ni Rep. Simeon Datumanong na ang ulat ng NCRCOM ay magdudulot lamang ng kaguluhan sa isipan ng publiko at maaaring magdulot ng panganib.
- Latest
- Trending