Bulusan nagbuga uli ng abo
MANILA, Philippines - Muling nagbuga ng abo ang bulkang Bulusan sa lalawigan ng Sorsogon na umabot sa dalawang kilometro na pinakamataas sa loob ng dalawang linggo.
Ayon kay July Sabit, resident volcanologist ng Phivolcs, alas 7:32 kahapon ng umaga nang magpalabas ng abo ang bulkan.
Bagama’t nagpapakita ng senyales ng pagiging aktibo ng bulkan wala naman daw dapat ikaalarma ang mga mamamayan dahil wala rin silang nakikitang senyales ng malakas na pagsabog nito.
Pero ayon kay Sabit, posibleng masundan pa ang naturang pagsabog kaya sinimulan na ng lokal na pamahalaan ang paglikas sa tinatayang 500 pamilya sa ilang barangay sa bayan ng Irosin na naapektuhan ng ash fall.
Partikular na isinailalim sa voluntary evacuation ang mga residente sa mga barangay Gulos at Cogon na sakop ng 6km extended danger zone. Pansamantala silang pinatuloy sa evacuation center sa ilang paraalan sa Brgy. Irosin
Nagpapatuloy pa ang evacuation sa bayan ng Ubany sa Brgy. Puting Sapa gamit ang military truck na ang prayoridad ay mga bata. Sinimulan na rin ang pagbibigay ng relief goods sa mga evacuees.
- Latest
- Trending