NPA rebels sangkot sa 17 EJKs
MANILA, Philippines - Labing-pito katao ang nasawi sa extra judicial killings (EJK) na kinasangkutan ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa iba’t-ibang lugar sa bansa nitong Oktubre hanggang sa kasalukuyan.
Ayon kay Army spokesman Col. Antonio Parlade, sa kanilang tala ay nasa 17 ang naging biktima ng EJK ng NPA mula sa Negros Oriental, Negros Occidental, Tacurong City, Nueva Ecija, Bukidnon, Agusan del Sur, Compostela Valley, Occidental Mindoro, Zamboanga, Surigao del Sur at Agusan del Norte.
Anim rito ang sundalo, isa ang pulis at 10 ang sibilyan.
Pinakahuling insidente ay ang pamamaslang kay Renante Cariate, may asawa, dating miyembro ng RPA/ABB na pinagbabaril ng limang armadong lalaki na hinihinalang mga rebeldeng NPA sa Negros Occidental kamakailan.
Sa ulat ng Army’s 3rd Infantry Division, base sa nakuhang dokumento mula kay Danilo Escropolo Badayos ng Kilusang Rehiyon Sentral Bisayas Front Secretary na nagpalabas ng kautusang likidahin ang mga dating mga supporter at lider ng NPA na kumakampi sa militar.
Si Badayos ay nasakote sa Dumaguete City sa bisa ng warrant of arrest sa kasong rebelyon.
Ang nasabing dokumento rin umano ang nagpatunay na ang NPA rebels ang sangkot sa pag-atake sa Calbayog City, Samar noong Oktubre 31.
Ang mga rebeldeng NPA rin umano ang bumaril at nakapatay sa brgy. tanod na si Anthony Giray sa Samar noong kasagsagan ng Brgy.,SK election noong Oktubre 25.
- Latest
- Trending