Ping nasa Pilipinas pa rin - DOJ
MANILA, Philippines – Ibinunyag kahapon ni Justice Secretary Leila de Lima na nasa Pilipinas pa rin nagtatago si Sen. Panfilo Lacson kasabay ang paniniguro na bilang na ang araw ng mambabatas dahil tinutugis na ito ng mga awtoridad.
Sinabi ni Sec. de Lima, base sa existing intelligence report na nakalap niya ay nasa bansa pa rin si Lacson kayat mayroon nang ongoing operation ang isinasagawa ng National Bureau of Investigation (NBI) upang madakip ang Senador at harapin ang kasong Dacer-Corbito double murder case.
Tumanggi naman si de Lima na magbigay pa ng ibang detalye tungkol sa kaso ni Lacson dahil posibleng maapektuhan ang operasyong ginagawa ng NBI.
Samantala, may dalawang teorya din umanong tinitingnan ang DOJ, isa dito ang anggulong nakalabas ng bansa si Lacson noong Enero subalit muli itong nakabalik sa bansa sa pamamagitan ng pagdaan sa back door at ang isa ay hindi ito lumabas ng bansa at isang palabas lamang ang pagtungo nito sa airport.
Samantala, inatasan na rin ni de LIma ang NBI ang posibilidad na mayroong kinalaman ang dating driver ni Lacson na si Reynaldo Oximoso,60, na nauna nang naaresto sa barangay Binukawan, Bataan dakong alas 11:45 ng umaga noong Lunes sa Dacer-Corbito double murder case at pag-aralan kung maari itong maging testigo laban sa mambabatas.
Ipinaliwanag ng DOJ chief, si Oximoso ay driver ni Lacson ng hanggang 2004 samantalang naganap ang pagdukot at pagpatay sa publicist na si Bubby Dacer at sa driver nitong si Emmanuel Corbito noong Nobyembre 2000 kayat posibleng mayroon itong nalalaman sa naturang kaso.
Si Oximoso naman ay naaresto dahil sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ng Quezon City Regional Trial Court (QCRTC) dahil sa kasong pagpatay sa limang pulis Quezon City.
- Latest
- Trending