Pinoy waiter patay sa sagasa sa Dubai
MANILA, Philippines - Isang manggagawang Pinoy ang nasawi sa isang aksidente sa Dubai noong nakaraang linggo.
Sa report na nakarating sa tanggapan ng Department of Foreign Affairs (DFA), kinilala ang biktima na si Roldan Pagaduan, tubong Tarlac, at nagtatrabaho bilang waiter sa Ras al Khaimah.
Ayon kay Lileth Pangilinan ng Assistance to Nationals Section ng Konsulada, dakong 11:00 ng gabi noong Oktubre 18 ay tumatawid umano ang biktima sa kalsada na patungo sa Sharjah sa Dubai, ilang metro mula sa kaniyang tinutuluyang apartment, nang aksidente itong mahagip ng rumaragasang Nissan Patrol na nagtangkang mag-beating the red light.
Isinugod pa umano ito sa pagamutan, ngunit patay na ito nang idating doon. Nagtamo ito ng matinding pinsala sa ulo at mga bali sa katawan.
Kaagad namang naaresto ang driver na isang UAE national at kasalukuyan nang nakadetine. Hindi pa naman batid ng Konsulada kung nasampahan na ng kaso ang suspek.
- Latest
- Trending