Comelec mananagot sa palpak na barangay, SK polls
MANILA, Philippines - Nais ni Pangulong Noynoy Aquino na managot ang Commission on Elections sa naging aberya sa Barangay at Sangguniang Kabataan elections.
Ayon kay Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, pinaiimbestigahan na ng Pangulo ang naging kakulangan ng preparasyon ng Comelec kung saan ay maraming lugar sa bansa ang nadelay ang paghahatid ng mga election materials na naging dahilan para ma-postpone ang eleksyon sa may 1,732 barangay.
Hindi anya sapat ang pag-amin lamang ng Comelec sa kanilang naging pagkukulang. Dapat ay alamin ang naging dahilan at dapat may managot sa nasabing kapalpakan.
Tiniyak naman ng Comelec na haharapin nila ang anumang imbestigasyon sa umano’y palpak na halalan.
Bumuo na ang Comelec ng isang fact finding committee kung saan 15 araw lamang ang ibinigay sa komite para tapusin ang imbestigasyon at makapagsumite ng report.
Kasama sa mga iimbestigahan nila ay ang mga naging papel sa preparasyon ng halalan ng forwarding company, Bids and Awards Committee (BAC), National Printing Office (NPO), Packing and Shipping Committee.
- Latest
- Trending