P-Noy sinulatan ng mga guro
MANILA, Philippines - Didiretso na kay Pangulong Aquino ang mga guro upang iapela ang pagdaragdag sa inilaang kompensasyon sa mga magsisilbi sa darating na Barangay at Sangguniang Kabataang elections sa darating na Lunes.
Isang liham na ang ginawa ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) para kay Pangulong Aquino upang hilingin na taasan ang nakalaang P2,000 allowance sa mga kawawang guro na magsasakripisyo at itataya ang kaligtasan para sa nalalapit na halalan.
Sinabi ni ACT secretary-general France Castro, noong nakaraang barangay elections, napagbigyan ng dating administrasyong Arroyo ang hiling nila na itaas sa P3,000 buhat sa P2,000 ang kanilang kompensasyon at dagdag na P500 transportation allowance. Dininig umano ng dating Executive Secretary ang kanilang karaingan kaya wala silang makitang rason para hindi ito magawa ng bagong administrasyon. Hinihiling nila na itaas ito ngayon sa P4,000 bawat guro.
Noong Huwebes, sumugod ang mga opisyales ng ACT sa Department of Budget and Management upang iapela ang kanilang karaingan ngunit sinagot sila ng ahensya na P2,000 lamang umano ang nakalaan dahil ito lamang ang hiniling sa kanila ng Comelec.
- Latest
- Trending