Private hospitals nanawagan sa Philhealth ukol sa mabagal na bayad
MANILA, Philippines - Nanawagan ang Private Hospitals Association of the Philippines (PHAP) sa pamunuan ng Philippine Health Insurance Corp. (Philhealth) na ayusin ang pagbabayad nito sa mga ospital.
Ayon kay PHAP President Dr. Rustico Jimenez, matapos ang dalawang buwan pagkalabas ng isang pasyente sa ospital na gumamit ng Philhealth card, dapat na ring bayaran ng Philhealth ang ospital.
Subalit sa kasalukuyan ay umaabot sa anim o pitong buwan ang itinatagal ng pagbabayad ng Philhealth.
Pinayuhan din ni Jimenez ang Philhealth na ipaalam sa publiko na isang taon lang ang validity ng Philhealth card.
Samantala, simula sa Oktubre 12, magiging P2,400 na kada taon mula sa dating P1,200 kontribusyon sa Philhealth ng mga self-employed at professionals.
Sinabi ni Dr. Rey Aquino, Director at Chief Executive Officer (CEO) ng Philhealth, sakop nito ang mga self-employed at mga professional tulad ng mga doktor, nurse, abogado, architect at iba pang may family income na P25,000 kada buwan pataas.
Hinikayat ni Aquino ang mga hindi pa nagpaparehistro sa Philhealth na humabol hanggang Oktubre 12 para hindi abutin ng nasabing pagtataas.
Hindi naman sakop sa nasabing pagtataas ang mga employed o mga mayroong pinagtatrabahuhang kumpanya.
- Latest
- Trending