Libreng condom, pills ipamimigay ng DOH
MANILA, Philippines - Mamimigay ng libreng condom at pills sa mga mag-asawang Pinoy ang Department of Health (DOH) alinsunod sa pagsuporta ni Pangulong Aquino sa pagpaplano ng pamilya o birth control.
Gayunman, nilinaw naman ni Dr. Eric Tayag na nasa mag-asawa pa rin kung anong klase ng pagpaplano ng pamilya ang nais nila, kung natural o artipisyal.
Una nang inihayag ng Pangulo na hindi naman pipilitin ang mga mag-asawa na gumamit ng ‘birth control’ dahil bibigyan lamang nila ng ‘assistance’ ang mga mag-asawa na nais gamitin ang nasabing hakbang.
Umaasa naman ang DOH na maiintindihan sila ng simbahang katolika.
Samantala, isang kilos protesta ang planong isagawa ng isang mataas na opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) kung itutuloy ng pamahalaan ang plano nitong mamudmod ng contraceptives sa mahihirap na mag-asawa na nais magplano ng pamilya.
Inamin ni Father Melvin Castro, executive secretary ng CBCP-Episcopal Commission on Family and Life na nasaktan sila sa naturang pahayag ni Aquino dahil umaasa umano sila na magiging tulad siya ng kaniyang yumaong inang si dating Pangulong Corazon Aquino.
Gayunman, hindi naman aniya sila nasorpresa pa sa naging posisyon ng pangulo dahil noong panahon ng kampanya ay kita na ang suporta nito sa contraceptives.
Hindi anya dapat na gamitin ni Aquino ang isyu ng family planning upang mailipat ang atensiyon ng publiko sa mga kontrobersiya na bumabalot ngayon sa administrasyon. (Doris Franche/Mer Layson)
- Latest
- Trending