Maynila, QC at CAMANAVA 'hotspots'
MANILA, Philippines - Bagamat hindi pa itinuturing na ‘election hotspots’, binabantayan na ng Commission on Elections (Comelec) ang ilang lugar na sakop ng Quezon City, Maynila at Camanava areas sa posibleng idulot na kaguluhan kaugnay sa nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections.
Sinabi ni Comelec National Capital Region (NCR) Director Atty. Michael Dioneda na nasa watchlist ng Comelec ang mga barangay Batasan at Manggahan sa Quezon City at ilang barangay sa Maynila, Caloocan, Malabon, Navotas, Valenzuela.
Gayunman, sinabi ni Dioneda na hindi pa naman masasabing hotspots o areas of immediate concern ang mga lugar kundi may potensyal pa lang na magkaroon ng kaguluhan kapag nagsimula na ang kampanya. Mas posible umanong magkaroon ng kaguluhan sa mga lugar na matao tulad ng mga nabanggit dahil ang magkakatunggali sa pulitika ay magkakapitbahay o residente ng iisang lugar.
Ginagawa aniya nila ang assessment para malaman kung saan sila magbubuhos nang husto ng pwersa ng Philippine National Police (PNP) para sa police visibility upang maiwasan ang kaguluhan.
- Latest
- Trending