Pulis bawal maki-angkas sa tourist bus
MANILA, Philippines - Matapos ang madugong hostage drama sa Quirino grandstand sa Maynila, ipinagbawal na kahapon ng Aklan Provincial Police Office (APPO) sa mga pulis ang maki-hitch ride sa mga tourist bus mula sa kapitolyo ng Kalibo patungong Caticlan Jerry Port na siyang daan patungong Boracay Islands.
Ang direktiba ay ipinalabas ni APPO Director Sr. Supt. Efipanio Bragais kung saan ipinarating na rin niya ang mensahe sa mga bus operators na huwag payagan ang mga pulis na nakiki-angkas sa mga tourist bus.
Ito’y kasunod ng isinagawang pangho-hostage ng nadismis na si dating Sr. Inspector Rolando Mendoza sa Hong Thai Travel bus kung saan walong turista ang napatay, gayundin ang hostage-taker noong Agosto 23.
Nabatid na nakagawian na ng mga pulis para makatipid ang maki-hitch ride lalo na sa mga tourist bus pero dahil sa pangho-hostage ni Mendoza ay lumikha ito ng negatibong epekto kung saan may mga dayuhang turista na natatakot at galit sa presensya ng mga pulis lalo na ang mga nakikisimpatiya sa sinapit ng mga nasawing biktima.
Samantala pinayuhan rin ng opisyal ang mga tourist bus na huwag mami-mickup ng mga sasakay sa daan lalo na at mga turista ang lulan ng behikulo para matiyak ang kaligtasan ng mga ito at mabilis ang mga itong makarating sa mga lugar na kanilang destinasyon sa lalawigan.
Inihayag pa ng opisyal na tanging sa mga checkpoints lamang maaring huminto ang mga bus.
- Latest
- Trending