Luisita deal depektibo - Obispo
MANILA, Philippines - Hindi umano makatarungan ang compromise deal na ginawa ng ilang magsasaka at ng Hacienda Luisita Incorporated.
Ayon kay Catholic Bishops Conference of the Philippines-NASSA chairman Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, kawawa ang mga magsasaka sa kasunduan na sa mahigit 4,000 ektarya ng lupa ng hacienda, ay mahigit sa isang libong ektarya lamang ang mapupunta sa mga ito.
Sinabi ng Obispo na dito pa lamang ay lumabag na ang H-L-I sa batas at sa turo ng Simbahan na dapat ipamahagi ang lupa sa nakararami at hindi sa iilan at kailangang mag-may-ari sila ng hanggang pitong ektarya ng lupa sa halip na tatlong libong ektarya.
Nilinaw ng Obispo na lumalabas na 1/3 lamang ang paghahati-hatian ng mga magsasaka na indikasyong depektibo ang compromised deal.
“Ang nangyari, sa mahigit 4,000 ektarya ng lupain sa Hacienda Luisita 1/3 lamang doon ang paghahatian ng mga magsasaka, may depekto ang compromised-deal dito, ang lupang makukuha mo depende sa shares mo sa korporasyon, sa farmers eh ang mas malaking shares ay yung mga supervisor, so ibig sabihin nito yung 90% ng 30% na nasa deal ay mapupunta din sa iilan so kawawa talaga dito ang mayorya sa magsasaka,” ani Pabilo.
Iginiit pa ng Obispo na failure din ang napagkasunduan noong 1989 na stock distribution option (SDO) dahil sa loob ng 20 taon nakakakuha lamang ang mga magsasaka ng P4,000 kada taon kung saan kapag nagbigay ng malaking capital ang mga haciendero wala ng value ang stocks ng mga magsasaka.
Wala ring kakayahan ang mga magsasaka na magpatakbo ng korporasyon dahil sa maliit lamang ang kanilang stocks..
Una ng nadesisyunan ng Department of Agrarian Reform at ng Office of the President na ipamahagi na sa mga magsasaka ang lupain subalit umapela ang pamilya Cojuangco sa Korte Suprema at humingi ng temporary restraining order kung saan ang nasabing TRO ay dedesisyunan ng SC sa Agosto 18.
Binili noong 1957 ng mga Cojuangco sa pamamagitan ng pera ng gobyerno ang Hacienda Luisita sa kondisyon na kapag hindi ito na-develop ay ipapamahagi ito sa mga magsasaka.
- Latest
- Trending