350 Pinoy teachers nagsampa ng class suit
MANILA, Philippines - May 350 gurong Pinoy na nagtuturo sa iba’t ibang paaralan sa Estados Unidos ang naghain ng “class lawsuit” laban sa kanilang mga recruiter dahil sa umano’y paglabag sa kanilang kontrata.
Sa nakarating na ulat sa Department of Foreign Affairs, ang mga Pinoy teachers ay nagsampa na ng kaso laban sa kanilang recruiters na Universal Placement International sa Los Angeles, California at PARS International Placement Agency na nakabase sa Manila.
Ayon naman sa Partido ng Manggagawa, ang mga Filipino teachers na miyembro ng American Federation of Teachers, Southern Poverty Law Center at ng Law Offcies of Covington and Burling ay pormal na naghain ng kasong human trafficking, racketeering at mail and wire fraud sa US court noong Agosto 5.
Base sa rekord, ni-recruit ang mga guro ng dalawang ahensya upang magturo sa iba’t ibang distrito ng paaralan sa Louisiana noong 2007.
Kinumpiska umano ang kanilang mga pasaporte ng nabanggit na ahensya sa US kasama ang kanilang visa hanggat hindi nila nababayaran ang $16,000 placement fee habang nagtatrabaho na sa US.
Sapilitan din umano silang pinapirma sa isang kontrata na aawasin ng ahensya ang 10 porsyento sa kanilang taunang sahod at tinakot umano na kapag hindi nila ibinigay ay mapipilitan ang ahensya na pauwiin sila sa Pilipinas.
Sa panig ng Universal, pinag-aaralan muna nila ang inihaing reklamo ng mga guro at iginiit na walang mali sa ginawa nilang pag-aawas sa umano’y sapat na halaga para mabawi ang kanilang ginastos upang maproseso ang mga papers ng mga guro.
- Latest
- Trending