Appointee ni GMA hiling ilipat ng puwesto
MANILA, Philippines - Nanawagan kahapon ang mga opisyal at kawani ng Quedancor na itinayo ni dating Pangulong Cory Aquino para tulungan ang mga maliliit na magsasaka at mga mangingisda sa pamamagitan ng pagpapa-utang sa maliit na interes, na ilipat na lamang sa ibang posisyon ang kanilang pangulo na midnight appointee ni dating Pangulong Arroyo.
Ayon kay Leodegario Valera Jr., kinatawan ng Quedancor employees, wala na silang tiwala sa kakayahan ni Quedancor President Federico Espiritu.
Sinabi ni Valera, sa operational aspect ay mahina raw si Espiritu dahil mababaw ang kanyang kaalaman sa mga accounts ng Quedancor kaya ayaw umano siyang kausapin ng mga operations manager.
Aniya, sa halip na paigtingin ang buhay nito para sa kapakinabangan ng mga mangingisda at magsasaka ay mas isinusulong ni Espiritu ang pagbuwag sa Quedancor. Naging matagumpay ang Quedancor sa loob ng maraming panahon na pinamumunuan ito ng mga magagaling na lider subalit bumulusok dahil umano kay Espiritu.
Hinikayat nila si Pangulong Noynoy Aquino na ihanap na lamang ng ibang posisyon si Espiritu. Ngayong araw (Biyernes) ay magkakaroon ng board meeting sa Quedancor na pamamahalaan ng agriculture secretary kaya inaasahang ipaaabot ng mga kawani ang kanilang kagustuhang mailipat na lamang ito.
- Latest
- Trending