5,000 tao namamatay sa air pollution
MANILA, Philippines - Umaabot sa 5,000 katao ang namamatay taun-taon dahil sa mga nakukuhang sakit dulot ng air pollution.
Sa isinagawang Ligtas Hangin forum sa Anabels sa Tomas Morato, Quezon City, sinabi ng grupo ni Atty. Glynda Bathan ng Clean Air Initiative for Asian Cities (CAI Asia) Center, na batay ito sa ginawa nilang pag-aaral hinggil sa epekto sa tao ng patuloy na pagdumi ng hangin laluna sa Metro Manila.
Partikular umanong nagkakaroon ng respiratory illnesses tulad ng asthma, bronchitis, heart diseases dulot ng maduming hangin ang mga sobrang tanda at sobrang bata na mga indibidwal.
Anya, nagparating na sila ng isang open letter kay Pangulong Noynoy Aquino na gawin ding seryoso ng pamahalaan ang kampanya laban sa air pollution tulad ng ginawang kampanya nito kontra sa wangwang na naging epektibo ang pagpapatupad.
Upang higit na mapagtagumpayan ang pagbabawas ng polusyon sa hangin, sinabi ni Mr. Henry Tan ng Coalition of Clean Air Advocates na ang kanilang samahan ay nagbibigay ng libreng emission test sa mga sasakyan upang makatulong na maibsan ang mauusok na sasakyan sa lansangan na nagdudulot ng paglala ng air pollution.
Voluntary basis anya ito at ang proyekto ay napasimulan na kayat maraming bilang na ng mga tauhan ay nagpupunta sa mga terminal ng bus para maisailalim sa libreng emission ang mga sasakyan.
- Latest
- Trending