RTC judge na-'onse' sa P16-milyong bribery case
MANILA, Philippines - Pinaghahanap ngayon ang isang abogado matapos umano nitong maisahan ang isang Regional Trial Court judge sa Metro Manila makaraan madiskubre ng huli na mas malaki pa ang kinita nito sa “garnishment” decision na kanyang inilabas sa isang kaso.
Ayon sa source, pinapa-hunting na ng RTC judge ang abogado ng isang construction company matapos madiskubre ng una na nakabili ang huli ng bagong Land Rover sa halagang P8 milyon matapos umaktong “tagapamagitan” sa isang Civil Case na isinampa ng kompanya nito kaugnay ng isang housing dispute.
Sa tamis ng dila ng abogado ay napilitan umanong maglabas ng desisyon si Judge kahit hindi pa natatapos ang legal procedure at hindi pa rin nakukunan ng panig ang kinakasuhan.
Dahil sa magagandang pananalita, mabilis ding natangay sa negosasyon si Judge ng abutan na ito ng P5 milyon kapalit umano ng paglalabas ng desisyon.
Ayon sa court insider, halos magwala umano sa galit si Judge nang matuklasang P16 milyon pala ang ipinadala ng construction company kapalit ng pabor na desisyon sa kaso.
“Natuwa pa naman si Judge dahil instant five million ang ibinigay sa kanya. Happy na sana siya doon kaya lamang, hindi niya matanggap na naisahan siya ng isang pipitsuging abogado na kumita ng P11 milyon sa kanyang desisyon,” sabi pa ng source.
Nabatid na nasa Amerika na raw ang abogado subalit patuloy na ginagawan ng paraan ni Judge kung paano niya ito masisingil sa balanseng “biyaya” ng construction company.
- Latest
- Trending