Gumagamit sa pangalan ni Noynoy, target ng intel
MANILA, Phillipines - Bineberipika ngayon ng intelligence community ang ulat kaugnay sa diumano’y paggamit sa pangalan ni president-elect Benigno ‘Noynoy’ Aquino III para raw mangolekta ng ‘grease money’ mula sa mga operators ng on-line lottery games, kabilang ang mga iligal na pasugalan.
Nabatid sa source na ayaw magpabanggit ng pangalan, base sa intelligence report ay tinukoy na isang Ambet at isang alyas Doce ang napaulat na bumibisita sa mga gambling operators sa bansa at humihingi ng ‘grease money’ para makapagpatuloy ng kanilang operasyon.
Sinasabi diumano ng dalawa sa mga ka-transaksyon na may basbas sila mula sa malapit na kaanak ng bagong halal na Pangulo sa kanilang mga lihim na operasyon.
Napag-alaman ding hindi pinaliligtas ng tandem ang mga operators ng lehitimong STL lottery games.
Maliban dito ay nanghihikayat din ang mga ito ng mga may kakayahang mamuhunan para pumasok sa illegal gambling kagaya ng bookies at jueteng kapalit ang paniniyak na hindi aarestuhin.
Para matigil ang iligal na aktibidades ng dalawa ay inihahanda ng intel group ang mga ebidensya para masukol kasabay ang pahayag na batid nila na walang ideya si P-Noy sa aktibidad ng dalawa at tiyak na hindi ito hahayaang mamayagpag.
- Latest
- Trending