2 killer ng Pinay sa Canada hinatulan
MANILA, Philippines - Matapos ang halos 3 taong pahihintay, nakamit na rin ang hustisya ng pamilya ng isang Pinay na brutal na pinatay ng dalawang dayuhan na nanloob sa pinaglilingkurang mansion sa Canada noong 2007.
Batay sa ulat mula sa Philippine Consulate sa Toronto, napatunayang guilty ang mga akusadong sina Cristian Figueroa,37, at Fabian Loayza-Penaloza, 30, pawang Ecuadorean dahil sa pagpatay sa OFW na si Jocelyn Dulnuan, 27-anyos sa ipinalabas na desisyon ng korte noong Hunyo 11.
Walang nakitang emosyon sa mga mukha nina Figueroa at Penaloza nang basahin ng korte sa Brampton City ang hatol na habambuhay na pagkabilanggo.
Ang dalawang akusado ay unang nag-plead ng not guilty at nagturuan pa ang dalawa sa bawat isa sa pagpatay kay Dulnuan subalit hindi pinaniwalaan ng korte dahil sa tibay ng mga ebidensya.
Sa depensa at salaysay ni Figueroa sa korte, sinubukan niyang awatin ang kanyang kasamang si Penaloza nang makitang binibigti nito si Dulnuan subalit huli na dahil patay na ang nasabing OFW.
Gayunman, nakita sa DNA test kay Figueroa na nakalmot siya ng Pinay nang magtangkang maglaban ang huli.
Base sa rekord ng korte, naganap ang pagpatay kay Dulnuan noong Oktubre 1, 2007 sa loob ng pinagsisilbihan nitong mansion sa Mississauga, Ontario.
Nabatid na si Penaloza ay matagal nang pintor sa mansion at pinapasok niya ang kasamang si Figueroa sa loob ng nasabing tahanan ng Oktubre 1 para sa planong pagnanakaw.
Natagpuan ng Ontario Police ang Pinay na patay na habang nakapulupot ang isang alambre o wire sa kanyang leeg at kamay habang may tali din ng sweater ang mga paa nito.
Nabatid na abala sa pagluluto si Dulnuan nang pasukin ng dalawang akusado at mabilis siyang kinaladkad sa basement ng kusina ng mansion at doon itinali saka binigti at tinangay ang pera at alahas sa loob ng mansion.
- Latest
- Trending