Gen. Lim nakalaya na
MANILA, Philippines - Inaprubahan kahapon ni AFP chief Delfin Bangit ang pagpapalaya kay Gen. Danilo Lim na nakakulong ng apat na taon sa PNP-Custodial Center sa Camp Crame, Quezon City kaugnay ng kasong kudeta.
Pero kahit aprubado na ni Gen. Bangit ang pagpapalaya kay Lim ay hinintay pa rin nila
ang court order bago tuluyang nakawala sa kanyang selda ang heneral na inakusahan ng kudeta.
“We waited first to post a bail sa civilian court,” ani Bangit sa Defense Press Corps na sinabi pang ‘approved in principle’ na ang pansamantalang paglaya ng opisyal.
Ayon kay Bangit, inaprubahan niya ang kahilingan ni Lim sa sulat nito na ilipat siya ng kustodya kay Brig. Gen. Reynaldo Ordonez, Chief ng Philippine Defense Program mula sa piitan nito sa PNP Custodial Center.
Si Lim kasalukuyang nakakulong sa PNP Custodial Center sa Camp Crame ay nililitis kaugnay ng nasilat na coup de etat noong Pebrero 26, 2006 kaugnay ng Marine standoff sa Marine Headquarters sa Taguig City.
Samantalang si Lim ay naharap naman sa panibagong nabigong coup de etat sa Manila Peninsula siege noong Nobyembre 29, 2007.
Nabatid na umabot sa P200,000 ang piyansang kailangang ilagak ni Lim sa sala ni Makati Regional Trial Court (RTC) Branch 150 Judge Elmo Alameda para makalaya sa kasong kinakaharap nito kaugnay ng kasong rebelyon laban sa gobyerno.
- Latest
- Trending