Corona manunumpa ngayon
MANILA, Philippines - Tapos na ang mainit na usapin tungkol sa Chief Justice kaalinsabay ng panunumpa ngayong araw ni Justice Renato Corona bilang bagong Punong Mahistrado ng Korte Suprema.
Sinabi ni Presidential Spokesman Ricardo Saludo, kinilala ng SC ang karapatan ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na magtalaga ng papalit kay Chief Justice Reynato Puno na magreretiro ngayong Mayo 17 at pumili ito mula sa mga nominado ng Judicial and Bar Council (JBC) kung saan ay miyembro ang oposisyon na si Sen. Chiz Escudero.
Aniya, maging si Chief Justice Puno ay nagsabi na kapag hindi kinilala at susundin ng mataas na opisyal ng gobyerno ang batas ay simula na ito ng pagkakawatak-watak sa halip na isulong ang paghihilom ng mga sugat sa lipunan na nilikha ng nakaraang eleksyon.
Ayon naman sa nagretirong si Justice Puno, ang ‘rule of law’ ay dapat pangibabawin sa ganitong usapin dahil maghahatid ito ng kaguluhan o anarkiya sa isang bansa.
Lahat, presidente man o hindi ay dapat anyang magpasaklaw sa batas.
“No one is above the law,” wika niya.
Kinilala din ni Justice Puno ang pagiging magaling na mahistrado ni Justice Corona sa pagsasabing ito ay may mataas na integridad at hindi matatawaran ang pagiging indipendyente nito.
Magugunita na hayagan ang pagtutol ni incoming President Sen. Noynoy Aquino sa ginawang pagtatalaga ni PGMA kay Corona bilang susunod na chief justice dahil nais niyang dapat ang susunod na administrasyon na lamang ang maglagay ng papalit kay Puno.
Sinabi ni Aquino na sa isang barangay captain na lamang sa Tarlac siya manunumpa bilang halal na pangulo sa June 30 kaysa kay Corona.
Pinayuhan naman ng Malacañang si Aquino na dapat ay humingi ng payo kay Puno upang maliwanagan siya sa isyu ng pagtatalaga kay Corona.
- Latest
- Trending