Mrs. Sanchez binasbasan ng Arsobispo vs Gov. Vi
LIPA CITY , Philippines - Binasbasan nitong Biyernes ni Archbishop Ramon Arguelles ang kandidatura sa pagka-gobernador ni Edna Sanchez, maybahay ng pumanaw na si dating Batangas Gov. Arman Sanchez sa isang concelebrated Mass sa Lipa City Cathedral.
“Ipagpatuloy mo ang laban ni Arman. Ibalik mo ang dangal ng Batangueño. Ang magandang nagawa sa probinsya ng iyong kabiyak, sana’y maging inspirasyon mo sa pagpapatuloy ng kanyang ipinaglalaban,” pahayag ni Arguelles sa kanyang homily.
Sinalubong ng mainit na palakpakan ang pahayag na ito ng arsobispo habang magkahalong tuwa at lungkot ang nabakas sa mukha ni Gng. Sanchez.
Kinagabihan, sa isang rally na ginanap sa lungsod, mahigit na 60,000 tao ang dumalo. Dito kinumpirma ni Gng. Sanchez ang kanyang pagtanggap sa hamon.
“Sa gitna ng aming pagdadalamhati, nabubusog ang aming puso sa pinakita nyong pagmamahal kay Arman. Ito ang kinakapitan naming lakas. Lahat ng nangyari ay galing sa kalooban ng Maykapal na lubos naming tinatanggap,” pasimula ng biyuda ni Sanchez.
Bago pumanaw noong nakaraang linggo si Sanchez na kumakandidato sanang gobernador ng Batangas, kumakandidato namang muli sa pagka-alkalde sa Sto. Tomas sa naturang lalawigan ang kanyang maybahay.
Pero ipinahiwatig ni Gng. Sanchez na, bagaman alam niyang kailangan siya ng kanyang mga kababayan sa Sto. Tomas, tinatanggap niya ang hamon na maglingkod sa buong lalawigan kapalit ng namayapa niyang asawa.
Sa araw na ito ay ililibing na sa kanyang Sto. Tomas farm ang labi ni dating Gov. Sanchez.
Samantala, sa isang dagliang survey nuong April 29-May 3 ng independent local radio networks sa lalawigan, lumabas na nangunguna si Gng. Sanchez laban kay Gov. Vilma Santos sa halalan sa pagka-gobernador ng Batangas.
- Latest
- Trending