SBMA officials kinasuhan
MANILA, Philippines - Nagharap ang Subic locator and cargo handling operator Amerasia International Services, Inc. (Amerasia) ng kasong kriminal sa Office of the Ombudsman laban sa mga opisyal ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) at sa private sector partner nito na Harbour Centre Port Terminal, Inc. (HCPTI) dahil sa umano’y pagselyo ng isang maanomalyang deal na magmomonopolisa sa Subic ports.
Ang SBMA-HCPTI contract na tinutulan ng lahat ng Subic locators na may kinalaman sa cargo handling business ay nakatakdang igawad sa HCPTI bilang proponent ng ‘unchallenged’ proposal matapos mapaso ang Swiss challenge window na 40 days noong nakaraang linggo. Walang ibang kumpanya na nagsumite ng counter proposal dahil naniniwala ang mga Subic operators na ang kondisyon para lumahok ay hindi makatuwiran.
Sa joint complaint affidavit ng Amerasia na nilagdaan ng presidente at chairman nitong sina Mario Lorenzo A. Yapjoco at George G. Schulze, Jr., ayon sa pagkakasunod, ang mga opisyal ng SBMA at HCPTI ay inakusahan ng “perpetrating, in conspiracy with each other” ng krimeng nakasaad sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, gayundin sa krimeng nasa ilalim ng Article 186 of the Revised Penal Code on monopolies and restraint of trade.
Batay sa affidavit, ang Amerasia ay napilitang magsampa ng kaso makaraang pumasok ang SBMA noong February 24, 2010, sa isang joint venture agreement sa HCPTI kung saan ang huli ay “ekslusibong binigyan ng SBMA ng monopolya sa lahat ng operasyon” (development, management at operation) sa lahat ng “existing usable wharves and ports” na matatagpuan sa Subic Bay Freeport Zone.
Ang reklamo ay naglalaman ng factual evidence na ayon kay Ventura ay nagpapakita ng “partiality, evident bad faith, at gross negligence” ng SBMA sa pag-aapruba sa kontrata.
- Latest
- Trending