Metro Manila, Mindanao nasa heightened alert na
MANILA, Philippines - Isinailalim na sa heightened alert status ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang Metro Manila at Mindanao para sa isasagawang halalan sa darating na Mayo at sa pinalakas na opensiba upang lipulin ang nalalabi pang puwersa ng mga bandidong Abu Sayyaf sa rehiyon.
Kasabay nito, hiningi ni Defense Secretary Norberto Gonzales ang pang-unawa ng publiko sa pagpapaigting pa ng seguridad sa Metro Manila upang hindi makalusot dito ang mga bandidong Abu Sayyaf at iba pang mga armadong grupong kalaban ng batas na posibleng magsagawa ng pananabotahe.
Sinabi ni Gonzales na huwag magtaka ang mamamayan kung sa susunod na mga araw ay makita ng mga ito ang presensya ng mga sundalo na may mga dalang bomb sniffing K9 dogs sa mga malls at iba pang matataong lugar.
“Nakikiusap tayo, may konting paghihigpit sa seguridad sa mga airport, public places, malls etc, this is part of our precautions,“ apela ng kalihim na sinabing hindi ito dapat ipag-panic ng mamamayan.
Maghihigpit din sila sa seguridad sa entry at exit points ng Metro Manila at iinspeksyuning mabuti ang mga sasakyang lalabas at papasok sa National Capital Region.
Umpisa sa Mayo 3 ay magsisimula ng bumuhos ang malaking puwersa ng AFP-NCRCOM sa Metro Manila at maging ang inalertong operatiba ng NCRPO kaugnay ng pagi-escort sa mga Precint Count Optical Scan (PCOs) automated machine at ballot boxes bilang paghahanda sa halalan sa Mayo 10.
Sa kasalukuyan ay nasa 50 ang checkpoints sa Metro Manila na magkatuwang na binabantayan ng AFP-NCRCOM at NCRPO personnel.
- Latest
- Trending