CBCP nababahala sa military deployment sa Metro Manila
MANILA, Philippines - Nagpahayag ng pagkabahala ang mataas na opisyal ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) hinggil sa planong pagpapakalat ng militar sa Kalakhang Maynila bago isagawa ang May 10 elections.
Ayon kay CBCP Committee on Public Affairs chairman Bishop Deogracias Iniguez, ang planong ito ay indikasyon na may magaganap na hindi inaasahang sitwasyon sa halalan.
Aniya, nakakatakot ang planong ito dahil binibigyan nito ng senyales ang publiko na may mangyayaring hindi inaasahan.
Giit ni Iniguez, hindi umano dapat na isagawa pa ng military ang pagpapatrulya dahil mas tinatakot nito ang publiko.
Nauna nang ibinunyag ng National Capital Regional Command ng Armed Forces of the Philippines na may balak silang magpakalat ng kanilang mga tauhan sa mga critical areas sa Metro Manila.
Ayon kay NCRC-AFP Chief, Rear Admiral Feliciano Angue, tinatayang dalawang batalyon ng “peacekeeping troops” ang ipakakalat sa MM bilang bahagi ng pagpapaigting ng kanilang seguridad sa halalan sa Mayo.
Kabilang sa mga isasailalim sa pagpapatrulya ang Makati at Maynila matapos na irekomendang ilagay sa Comelec control bunga ng mga reported election-related violence.
- Latest
- Trending