Mga akusado sa Maguindanao massacre ililipat sa Bicutan
MANILA, Philippines - Ipinag-utos na ni Judge Jocelyn Solis-Reyes ng Quezon City Regional Trial Court Branch 221 ang paglilipat ng piitan sa lahat ng Ampatuan at iba pang mga akusado sa Maguindanao massacre sa Metro Manila District Jail sa Camp Bagong Diwa, Taguig City.
Sa ipinalabas na Commitment Order ni Judge Solis-Reyes kamakalawa ay ipinalilipat na Metro Manila District Jail sina Datu Zaldy “Puti” Ampatuan, Datu Akmad “Tato” Ampatuan Sr., Datu Sajid U. Ampatuan at Datu Anwar Ampatuan.
Ang nasabing mga suspect na Ampatuan ay kasalukuyang nakakulong sa headquarters ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) 12 sa Camp Lira, General Santos City.
Kabilang din sa ipinalilipat ng kulungan si dating Maguindanao Gov. Datu Andal Ampatuan Sr. na nasa custodial ng AFP-Eastern Mindanao Command sa Camp Panacan, Davao City.
Ipinalilipat din sa Metro Manila District Jail ang may 50 mga miyembro ng Maguindanao Police na isinasangkot o inuugnay sa naganap na massacre.
Itinakda ni Judge Solis-Reyes ang Arraignment/Pre-Trial ng mga akusado sa April 21, 2010 ganap na 9:00 ng umaga sa Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig na siyang bagong venue ng paglilitis.
- Latest
- Trending