Martial law sa Basilan
MANILA, Philippines - Pinag-aaralan na ng pamahalaan ang posibleng pagdedeklara ng Martial Law sa Basilan matapos ang madugong pag-atake ng mga bandidong Abu Sayyaf sa Isabela City noong Martes na ikinasawi ng 14 katao habang 12 pa ang nasugatan.
“This is a combination of both politics and terrorism, we are seriously looking into this,” pahayag ni Defense Secretary Norberto Gonzales na nagsabing posibleng irekomenda ng kaniyang department ang pagdedeklara ng Martial Law sa lalawigan kung magpapatuloy ang paghahasik ng terorismo ng mga bandido.
Sinasabi sa intelligence report ng security forces na ang mga bandidong Abu Sayyaf na nagmo-moonlighting bilang mga Private Armed Groups (PAGs) ng maimpluwensiyang pulitiko sa Basilan ang nasa likod ng pag-atake.
Ang uniporme umano ng pulis at militar na ginamit ng mga umatakeng bandido na nagsagawa ng pambobomba at pamamaril ay galing sa isang pulitiko na nananakot sa kaniyang kalaban.
“Kailangan ma-determine natin ang mga responsable dito yung mga brains ‘di basta yung inutusan lang,” anang Defense Chief.
Sa susunod na mga araw ay magtutungo siya sa Basilan upang pulungin ang mga religious groups, mga lider pulitiko at iba pang mga sektor sa lalawigan upang kunin ang opinyon ng mga ito kung dapat o hindi na isailalim sa Martial Law ang lalawigan.
Samantala, inihayag kahapon ni AFP-Western Mindanao Command (Westmincom) Commander Lt. Gen. Ben Mohammad Dolorfino na naitaboy na ang Abu Sayyaf raiders sa Isabela City kaya kontrolado na ang peace and order sa lugar.
Pinabulaanan din ng opisyal ang impormasyon na nagsilikas na ang mga sibilyan sa lugar sa matinding takot.
Sa kabila nito, sinabi ni AFP Chief of Staff Gen. Delfin Bangit na magpapatuloy ang pagiging vigilante ng tropa ng militar upang masupil ang mga karahasang posibleng ihasik ng mga bandido.
- Latest
- Trending