Noynoy tinawanan lang ni Villar
MANILA, Philippines - Tahasang binalewala at tinawanan ng kampo ng Nacionalista Party ang akusasyon ni Liberal Party presidential candidate Benigno “Noynoy” Aquino na ipinababaklas ni NP standard bearer Manny Villar ang kanyang mga campaign posters.
“Ito’y isang bagong black propaganda ng partido liberal,” anang kampo ni Villar.
Tahasang sinabi ng NP na imposible ang naturang balita dahil talong-talo ni Aquino ang kampo ni Villar sa postering at paglalagay ng streamers.
Halimbawa na dito ang mga lalawigan ng Samar, Leyte, Cebu, Mindanao, Bacolod at iba pang lugar sa bansa kung saan namamayagpag ang streamers at posters ng Noy-Mar tandem.
Inireklamo rin ng supporters ni Villar ang pambabaklas ng yellow armies at volunteers ni Noynoy sa mga orange ribbons na nakakabit sa mga poste at streamers ni Villar at ng iba pang NP candidates sa isang sortie sa Catbalogan, Samar.
“Kami nga ang dehado. Kung tutuusin, wala ni katiting ang mga campaign posters at streamers ni Sen. Villar at ng buong tiket ng NP. Samantalang yung kampo ng mga dilaw ay nagsalimbayan kahit sa mga puno at poste ng kuryente ang kanilang mga mukha,” ayon Adel Tamano, senatorial candidate ng NP at dating spokesman ng United Opposition. (Butch Quejada)
- Latest
- Trending