8 dam kritikal
MANILA, Philippines - Aabot sa critical level ang walong pangunahing dam sa Luzon sa susunod na buwan dahil sa patuloy na pagbaba ng water level dito bunsod ng epekto ng El Niño phenomenon.
Dahil dito, sinabi ni Susan Espinueva ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) Hydrometeorological Division na ang pagbaba ng water level sa dam ay nangangahulugan ng kakapusan sa suplay ng kuryente at tubig sa mga sakahan.
“Dahil nagkakaroon ng deficit tuwing bumababa ang tubig, hindi mapu-fully satisfy ‘yung water requirements for irrigation at maapektuhan yung power supply,” ayon kay Espinueva.
Anya, ang pangambang ito ay malamang na maramdaman sa Abril dahil maaaring umabot na sa critical level ang naturang mga dam dahil walang ulan.
Ang Magat Dam na nagsusuplay ng patubig sa mga irigasyon sa Cagayan Valley provinces at nagdadagdag ng hydroelectric power sa Luzon grid; Angat at Ipo dams sa Bulacan; La Mesa dam sa Quezon City; Binga at Ambuklao sa Benguet; Pantabangan sa Nueva Ecija at San Roque dam sa Pangasinan.
Ang Angat-Ipo-La Mesa water system ay nagbibigay ng patubig sa mga irigasyon sa Bulacan at Pampanga at nagsusuplay ng malinis na tubig sa Metro Manila. (Angie dela Cruz)
- Latest
- Trending