Malaking halaga nasasayang sa pagbili ng food supplement - DOH
MANILA, Philippines - Malaking pera ng publiko ang nasasayang sa pagbili ng mga food supplements dahil wala namang patunay na nakakagaling ng sakit ang mga ito o may maidudulot na kabutihan sa kalusugan ng isang tao.
Base sa datos ng National Health Accounts (NHA), ang mga Pinoy ay gumagastos ng P150 billion kada taon sa pagbili ng mga health products, kung saan kalahati nito ay walang pruweba na epektibo.
Aminado naman si Health Sec. Esperanza Cabral na walang magagawa ang pamahalaan para ipagbawal o ipatigil ang pagbebenta ng mga food supplements.
Ani Cabral, malaya ang mga manufacturer ng mga nasabing supplements na makapagbenta ng kanilang produkto. May laya din aniya ang mga tao na pumili kung paano at saan nila gagastusin ang kanilang mga pera.
Ang tangi nilang magagawa ay tiyakin na maglalagay ng disclaimer ang mga kumpanyang gumagawa ng food supplements sa kanilang mga pakete na magsasabing walang aprobadong therapeutic claim ang binebenta nilang produkto.
Nakabantay din ang DOH at ang Food and Drug Administration na sakaling mayroong food supplements na nagdudulot ng side effects sa sinomang iinom nito. Katunayan, isang herbal tea aniya ang iniutos nilang i-pull out na sa merkado matapos magkaroon ng isyu na maari itong mag-trigger ng liver cancer.
Iginiit naman ni dating Health Secretary Alberto Romualdez na dapat maging totoo ang mga pharmaceutical firms sa kanilang mga sinasabi sa advertisements dahil maraming Pinoy ang naghihirap para lamang makabili ng kanilang kailangang gamot. (Doris Franche)
- Latest
- Trending