Tinangka akong suhulan - Enrile
MANILA, Philippines - Tinangka umanong suhulan ni Nacionalista Party presidential bet Manny Villar si Senate President Juan Ponce Enrile upang hindi ilabas ang committee report na magdidiin sa una sa C-5 extension road scam.
Ayon kay Enrile, nangako umano si Villar na bibigyan siya ng pondo na gagamitin para sa kampanya nito bilang senador. Ito ay naganap sa Inagiku Japanese restaurant sa Makati Shangrila.
Bagaman at wala naman umanong eksaktong halaga ng pera o bagay ang inalok ni Villar, sinabi ni Enrile na hindi siya naging komportable sa naging alok ni Villar.
Ang sabi umano ni Villar sa kaniya, “Manong, baka naman may maitutulong ako sa inyo. Makakatulong naman ako kung may kailangan kayo”.
Ngunit pinayuhan na lang nito si Villar na maglabas ng ebidensiyang maglilinis sa pangalan nito para hindi madawit sa naturang anomalya.
Ikinatuwiran ni Enrile na ginagawa lang nito ang tungkulin bilang Senate President upang malaman ng publiko ang katotohanan.
Sa imbestigasyon, lumabas na si Villar ang may-ari ng Adelfa Properties Inc., na nagmamay-ari ng Golden Haven Memorial Park at Azalea Real Estate Corporation na ngayo’y Brittany Corporation na. Pakana din ni Villar ang Las Pinas-Parañaque link road at C5 road extension project gamit ang pork barrel sa unang termino pa lang nito noong 2001.
Bunsod umano ng pakikialam ni Villar ay nasayang ang P1.8B ginastos ng gobyerno para sa pagbabayad ng road-right of way para maisagawa ang C5 road extension segment ng Manila-Cavite Toll expressway project.
Mas mataas din ang road right of way (ROW) na siningil ng kumpanya ni Villar sa gobyerno kumpara sa umiiral na zonal valuation at ito ay umabot ng P141 milyong overpayment ng gobyerno.
Lumabag din aniya si Villar sa section 9 Republic Act 6713 dahil hindi nito binitiwan ang pagiging may-ari ng mga nasabing kompanya na nakinabang sa proyekto ng gobyerno.
- Latest
- Trending