Bangkay ng 4 Pinoy sa Haiti, iuuwi na
MANILA, Philippines - Nakatakdang iuwi sa bansa sa Lunes (Enero 25) ang mga labi ng apat na Pinoy na nasawi sa magnitude 7 na lindol na tumama sa Haiti noong Enero 12.
Ayon sa Department of Foreign Affairs, ang bangkay ng mga biktimang sina Army Sgt. Eustacio Bermudez; Jerome Yap, staff member ng United Nation; Navy Petty Officer 3 Pearlie Panangui at Air Force Sgt. Janice Arocena ay dadalhin muna sa Dominican Republic at Amerika bago tumulak pabalik sa Pilipinas lulan ng commercial flight.
Pinoproseso na rin ng Embahada ng Pilipinas sa Havana ang paglilikas ngayong araw sa may 69 Pinoy sa Haiti na nagpahayag ng kanilang kagustuhang makabalik na sa Pilipinas.
Samantala pinaghahanap pa rin ang OFW na sina Feraldine Calican at Grace Fabian sa gumuhong Carribean Supermarket.
Mananatili naman sa Haiti ang mahigit 150 pang peacekeepers dahil kailangan muna ng mga itong tapusin ang kanilang kontrata. (Ellen Fernando/Joy Cantos)
- Latest
- Trending