Plunder vs Secretary Yap harassment lang
MANILA, Philippines - Sinabi ng mga opisyal ng Department of Agriculture (DA) na legal ang proyekto nito na makapagsuplay ng mga modernong postharvest facilities sa mga maliliit na magsasaka at mangingisda sa pamamagitan ng state-of-the-art Brine Immersion Freezing (BIF) technology habang umaasa na ididismis ng Office of the Ombudsman ang kasong plunder na inihain laban dito sa pagiging “nuisance” o harassment suit lamang.
Ayon sa mga opisyal ng DA, ang plunder charge na inihain ng mga makakaliwang grupong pinangungunahan ng Pamalakaya laban kay Secretary Arthur Yap at iba pang opisyal ng Departamento at ng National Agribusiness Corp. (Nabcor) ay minaniobra ng isang grupong kilala na sa pangha-harass sa mga nanalong bidder na sumasali sa mga bidding para sa government projects.
Ang modus operandi anila ng grupong ito ay maghain ng mga walang basehang demanda laban sa mga winning bidder at ireklamong niluto raw ang bidding process para ito ay makapang-harass sa mga nananalong bidder at sa mga ahensyang nagpa-bidding.
Ayon sa DA officials, ang DA at Nabcor ay nangangalap na ng ebidensya laban sa grupong ito na nasa likod ng paghahain ng kasong plunder ng Pamalakaya at iba pang militanteng grupo sa Ombudsman at ilalantad nila ito sa tamang panahon.
Ayon naman sa tagapagsalita ng Nabcor na si Kathyrin Pioquinto, ang pagkuha ng Nabcor ng BIF machines ay sumailalim sa isang public bidding na ayon sa mga probisyon ng Republic Act 9184.
- Latest
- Trending