Noynoy, Villar close fight sa 2010!
MANILA, Philippines - Sina Senador Benigno “Noynoy” Aquino III ng Liberal Party at Senador Manny Villar ng Nacionalista Party ang magiging mahigpit na magkalaban sa halalang pampanguluhan sa Mayo.
Ayon sa survey na ipinagawa ng Manila Broadcasting Company at DZRH radio sa L.A. Research Inc. nitong Disyembre 12-19 na may halos 7,000 respondents, 45.7 percent ang pumili kay Aquino at 24.6 percent naman kay Villar, o 21 porsiyentong pagitan.
Nasa pangatlong puwesto naman si dating Pangulong Joseph “Erap” Estrada na nakakuha ng 17.7 percent, at sinundan siya nina Gilbert “Gibo” Teodoro (5.7%), Bro. Eddie Villanueva (1.5%), at Sen. Richard “Dick” Gordon (1.3%).
Ang resulta ng MBC-DZRH survey ay halos hindi naiiba sa pinakahuling survey ng Pulse Asia at Social Weather Station noong ikalawang linggo din ng Disyembre.
Sa Pulse Asia, 22 percent ang agwat ni Aquino kay Villar makaraang makakuha siya ng 45 percent kontra sa 23 percent ng pambato ng NP, at 19 percent ni Estrada. Samantala, 19 percent ang kalamangan ni Aquino sa survey ng SWS batay sa nakuha niyang 46.2 percent laban sa 27 percent ni Villar at 16 percent kay Estrada.
Ipinapakita ng tatlong survey ang patuloy na pagdikit ni Villar kay Aquino mula nang palitan ng huli si Senador Mar Roxas na maging standard bearer ng LP noong Setyembre.
Umabot sa halos 60 percent ang nakuhang percentage point ni Aquino nang unang pumutok ang pangalan nito bilang presidentiable noong Setyembre ngunit pagsapit ng Disyembre ay mahigit 15 porsiyento na ang nabawas sa pambato ng LP. (Butch Quejada)
- Latest
- Trending