Usok ng paputok may dalang sakit
MANILA, Philippines - Pinayuhan ni Dr. Eric Tayag, hepe ng National Epidemiology Center ng Department of Health, na manatiling nakasara ang mga bintana sa pagsalubong ng Bagong Taon, kahit taliwas ito sa pamahiin o paniniwalang buksan ang lahat ng pintuan at bintana upang makapasok ang swerte.
Ayon kay Tayag, sa halip na swerte, posibleng malasin pa dahil ang mga usok na nagmula sa fireworks at firecrackers ay maaring magdala ng sakit partikular sa respiratory systems na tulad din sa ash fall na ibinubuga ng bulkang sumasabog.
Maliban pa sa nasabing sakit, maaring hindi umano mapansin ng may-ari ng bahay kung may nakapasok na baga ng paputok o lumilipad na kwitis ang bintana na maaring pagmulan ng sunog na aabo sa ari-arian at buhay.
Sa dati nang may sakit na hika at iba pang respiratory illness, mas magiging malala kung makakasinghot pa ng mga usok mula sa paputok.
Ipinayo din ni Tayag na maghanda na ng mga kaukulang gamot at masks tulad ng may asthma.
Hindi umano maaring dumepende sa ionizer machines ang nasabing usok na may dalang particles galing sa paputok.
Huwag ding kalimutan na lason ang pulbura ng paputok kaya ugaliin ang paghuhugas ng kamay bago kumain, lalo na sa mga bata dahil hindi umano kontrolado ng gobyerno ang mga manufacturer ng paputok na gumagamit ng mas matapang na kemikal, lalo na ang imported. (Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending