OFW hinatulan ng bitay sa Saudi
MANILA, Philippines - Isang overseas Filipino worker ang hinatulan ng parusang kamatayan sa Saudi Arabia dahil sa kasong pagpatay.
Sa isang pulong balitaan sa Department of Foreign Affairs kamakalawa, kinumpirma ni DFA Undersecretary Esteban Conejos Jr. na sinentensyahan ng bitay ng mababang korte sa Jeddah ang nasabing Pinoy na hindi muna pinangalanan.
Tiniyak naman ni Conejos na nagsasagawa na ng representasyon ang Philippine Consulate sa Jeddah upang iapela sa mataas na hukuman ng Saudi ang nasabing hatol.
Sa talaan ng DFA, umaabot na sa 85 Pinoy ang hinatulan ng bitay at nasa death row sa iba’t ibang bansa, 15 sa mga hinatulan ng bitay ay kasong murder habang ang 70 ay pawang mula sa China na may kaugnayan sa kasong pagpupuslit o pagdadala ng illegal drugs.
Sinabi ni Conejos na nakakaalarma na ang pagtaas ng bilang ng mga Pinoy na nahahatulan dahil sa mga kasong murder at drug smuggling.
Sa batas ng China, ang mga hinatulan ng bitay ay binibigyan pa ng 2 taong reprieve o di muna ipatutupad ang parusa sa loob ng dalawang taon simula ng ibaba ang kanyang sentensya. Maaari pa umanong magkaroon ng pag-asa o bumaba ng hanggang 15 taong pagkabilanggo dahil sa magandang ipakikita sa loob ng kulungan ng hinatulang Pinoy. Ito lang aniya ang posibilidad na paraan at ang pag-aalok ng blood money sa pamilya ng naging biktima sa krimen.
Noong Lunes ay naglabas naman ang Embahada ng Pilipinas ng rekord na nagsasabing naitala nila ang 48 Pinoy na nahatulan ng bitay sa China simula 2007 hanggang 2009.
Ngayong taon lamang ay umabot sa 9 na Pinoy ang hinatulan ng bitay mula sa 183 Pinoy na nakapiit dahil sa drug related cases sa China. Karamihan sa mga ito ay kababaihan na nahuli sa ibat ibang paliparan sa China. Sila ay ginawang drug mules o taga-deliver ng droga ng international drug ring na ginawang transit point at bagsakan ng droga ang China.
- Latest
- Trending