Programa sa kababaihan pasisiglahin sa Quezon City - Joy
MANILA, Philippines - Tiniyak ni Ladies Foundation President at Liberal Party Vice Mayoral candidate Joy Belmonte na mas palalakasin nito ang mga programa para sa mga kababaihan ng Quezon City.
Ayon kay Belmonte, mas paiigtingin ang programa para sa mga kababaihan para lalong magkaroon ng magandang kalidad ng buhay ang mga kababaihan sa lungsod.
Paglalaanan ni Belmonte ang mga livelihood programs para sa mga kababaihan dito lalo na ang mga may-bahay na walang trabaho at umaasa sa sweldo ng kanilang asawa. Aniya, ang naturang programa ay magbibigay din ng dagdag kaalaman sa mga kababaihan para makatulong sa paghahanap-buhay. Ilan sa mga livelihood programs ni Belmonte ay ang paggawa ng sabon, pananahi, at sari-sari store.
“Matagal na po tayong nagseserbisyo para sa mga kababaihan kayat kung palarin tayo sa eleksiyon, mas higit na programang pangkabuhayan ang ating ilalaan sa kanila,” ani Belmonte.
Sa kabila ng pagkakaroon ng mariwasang pamumuhay, mas nais pa rin ni Belmonte na maglingkod sa publiko lalo na sa mga mahihirap na mga residente ng Quezon City. (Angie dela Cruz)
- Latest
- Trending