Miriam pumalag kay Puno
MANILA, Philippines - Nadismaya si Senadora Miriam Defensor Santiago sa pagkakatalaga ni Pangulong Gloria Arroyo kay Department of Interior and Local Government Secretary Ronaldo Puno na pamahalaan ang Maguindanao, at Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Ipinaliwanag ni Santiago na hindi na sakop ng kapangyarihan ng punong ehekutibo na kontrolin ang naturang lalawigan dahil ito ay sakop na ng local government. Dahil dito, maghahain si Santiago ng resolusyon para hikayatin si Arroyo na irekonsidera ang desisyon nito dahil posibleng ito’y nabibigla lang.
Iginiit din ni Santiago na nangyari ang Maguindanao massacre dahil na rin sa kapabayaan ni Puno sa kanyang tungkulin. Kaya mas dapat aniya itong magpaliwanag sa halip na bigyan pa ng mas malawak na kapangyarihan para sakupin ang problema sa Maguindanao at ARMM.
Nilinaw nito na sakop ng DILG ang superbisyon sa mga pulis, gobernador at mga alkalde sa buong bansa. Mas makabubuti aniya na sampalin ng kaliwa’t kanan ni Arroyo si Puno hanggang sa mawalan ng ulirat kaysa parangalan ito.
Kasabay nito, naghain ng petition sa Supreme Court ang mga abogado ng pamilya Ampatuan laban kay Puno, Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police. (Butch Quejada)
- Latest
- Trending