Joey handa nang harapin sina First Gentleman, Abalos sa korte
MANILA, Philippines - Inihayag kahapon ng negosyanteng si Joey de Venecia III na handa na niyang harapin sa korte sina First Gentleman Mike Arroyo at dating Commission on Elections Chairman Benjamin Abalos kasunod ng rekomendasyon ng Senate Blue Ribbon Committee na kasuhan ang mga ito at ibang nasasangkot sa anomalya sa naudlot na national broadband network project ng pamahalaan at ng ZTE Corp. ng China.
Sinabi ng batang de Venecia na wala siyang pagsisisi sa pagbubunyag niya sa anomalya bagaman hindi na siya nagulat sa report na inilabas ni Gordon na nagrekomendang isama rin siya sa idemanda.
Pinuna ni de Venecia na, noong una pa man, hinusgahan na ni Gordon ang kaso sa pagsasabing kasama rin siya sa anomalya kahit isa rin siyang biktima.
Idiniin niyang personal niyang pinuntahan si Gordon noong Lunes para hilinging ilabas na nito ang final report ng komite dahil sa sobrang tagal na nito.
Dahil dito, agad na kumilos si Gordon at inilabas na ang nasabing report na kung saan ay inamin niyang dalawang buwan na itong tapos.
Kahit kasama siya sa pinakakasuhan, masaya na rin si de Venecia sa naging papel niya sa pagbubunyag sa maanomalyang transakyon ng pamahalaan. (Butch Quejada)
- Latest
- Trending