Kandidatong maraming bodyguard target ng PNP
MANILA, Philippines - Ipadidiskuwalipika ng Philippine National Police (PNP) sa Commission on Elections (Comelec) ang mga kandidatong magdadala ng sangkatutak na mga armadong bodyguards kaugnay ng gaganaping 2010 national elections sa bansa.
Sa press briefing sa Camp Crame, sinabi ni PNP Chief Director General Jesus Verzosa na irerekomenda nila sa Comelec na dapat ay dalawang ‘uniformed personnel’ lamang ng PNP at dalawa ring private agents sa bawat isang kandidato ang maging bodyguard ng mga pulitikong tatakbo sa anumang posisyon.
Ang hakbang ay upang matiyak na magiging mapayapa at matiwasay ang gaganaping pambansang halalan.
Kaugnay nito, inihayag naman ni PNP Task Force HOPE (Honest, Orderly and Peaceful Elections) Commander P/ Deputy Director General Jefferson Soriano na walang sasantuhin ang nasabing kampanya ng PNP at hindi rin umano exempted sa Comelec resolution maging si peoples champ Manny Pacquiao.
Si Pacquiao ay una ng nagpahayag ng pagnanais nitong tumakbo sa Saranggani Province bilang Kongresista.
Sa kasalukuyan, mayroon na silang dalawang prominenteng pulitiko na posibleng maisama sa rekomendasyon na kilala sa sangkatutak na pagdadala ng bodyguard ngunit tumanggi naman nitong ibunyag sa ngayon.
- Latest
- Trending