Chiz kinatigan ng KMU
MANILA, Philippines - Pinuri kahapon ng militanteng grupong Kilusang Mayo Uno ang pagkalas ni Senador Francis “Chiz” Escudero sa Nationalist People’s Coalition na isang hakbang na itinuturing nilang pagtalikod sa mala laking negosyante.
Partikular na pinuri ng KMU ang paninindigan ni Escudero laban sa labor contractualization at Oil Deregulation Law.
Sinabi ni KMU Chairman Elmer Labog consistent si Escudero sa mga pro-people stand nito pero nagkaroon ng agam-agam ang kanilang grupo dahil sa kaugnayan ng senador kay Danding Cojuangco na siyang titular head ng NPC.
Ang labor contractualization, ayon sa kanya, ang pinakamataas na uri ng pang-aapi sa manggagawa ng mga kapitalista at ang Oil Deregulation Law naman ay sumisipsip ng dugo sa bawat Pilipino.
Hindi rin naniniwala ang KMU na isang political suicide ang ginawang paglisan ni Escudero sa NPC.
“Naniniwala kami na baligtad ito at lalong binigyang buhay niya ang kanyang kampanya sa pagka-pangulo dahil sa pagiging makatao nito,” sabi ng KMU.
Samantala, inamin ni Congressman Mark Cojuangco na ang mga radikal na pananaw ni Escudero na salungat naman sa konserbatibong posisyon ng NPC ang naging lamat at dahilan ng pag-alis ng senador sa kanyang partido,
Ayon sa kanya, si Escudero ay trinatong “fairly and squarely” sa NPC ngunit gusto umano ng senador na manindigan agad ang partido sa ilang usapin.
Dalawa sa mga isyu na naging salungat ang senador at ang partido ay ang “legislated P125 wage increase” at ang mungkahing kondonasyon sa bilyong utang ng mga magsasaka sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program. (Butch Quejada)
- Latest
- Trending