691 katao, edad 108, iisa ang birth date
MANILA, Philippines - Ibinunyag kahapon ni dating Akbayan Rep. Lo retta “Etta” Rosales sa Commission on Elections na “madumi” ang listahan ng mga botante sa Taguig City, dahil kabilang pa rin dito ang mga botanteng nasa edad 100 pataas.
Sa isang open letter, sinabi ni Rosales sa Comelec na 691 katao na may edad 100 pataas at pare-pareho ang birth date ang natuklasan sa voters’ list dito kung saan ito ay kaduda-duda dahil pawang mga residente ang mga ito ng Taguig City.
Ayon kay Rosales, sa nasabing bilang ay 624 ang ipinanganak noong 1901 base sa kanilang birth date, at 621 dito ang may pare-parehong araw ng kapanganakan na January 1.
Aniya, nakakaduda na mayroong 621 katao na pare-parehong naninirahan sa Taguig at isinilang ng sabay-sabay noong January 1, 1901.
Bilang pangulo ng Institute for Political and Electoral Reform (IPER), ay isinagawa nito ang imbestigasyon kasabay ang panawagan sa Comelec na agad linisin ang voters’ list dito at patawan ng kaukulang parusa ang nasa likod ng polluted voters’ list.
Ayon naman kay Comelec Chairman Jose Melo, posibleng simpleng “computer glitch” lang ito at maaaring nabigo lang ang mga rehistradong botante na ilagay ang petsa ng kanilang kapanganakan ng sila ay magparehistro.
Iginiit din ni Rosales na hindi dapat tinatanggap ng Comelec ang mga nagpaparehistro kung wala silang inilalagay na date of birth.
- Latest
- Trending