'Killer flood'
MANILA, Philippines - Ibabaon sa demanda ang mga administrator ng San Roque dam matapos na magpakawala ito ng tubig kasabay ng hagupit ng bagyong Pepeng kaya lumubog sa baha ang malaking bahagi ng Pangasinan at Northern Luzon at nasira ang milyong halaga ng mga ari-arian dito.
Nakaumang na rin ang isang matinding paggisa sa mga ito sa Senado. Partikular na ipapatawag ngayon ni Senador Francis “Chiz” Escudero ang operator ng San Roque dam matapos malunod ang 90 porsiyento ng Pangasinan dahil na rin sa pagpapakawala ng 5 milyon at 100,000 litro ng tubig kada segundo ng dam sa halip na 4 milyong litro lang kada segundo kaya masisira ang mga dike na magiging sanhi ng pagbaha.
Sinabi pa ni Escudero na dapat malaman ng publiko kung ano ang protocol ng mga dam bago ito magpakawala ng tubig.
”Nagpakawala sila ng walo hanggang sampung bilyong litro. Hindi pwede na ganyan ganyan na lamang ang ginagawa ng mga nag-ooperate ng dam sa ating paligid at tayo ang maaapektuhan at mapipinsala” ani pa ni Escudero.
Nilinaw pa ni Escu dero na kahit hindi makapirma sa reklamo ang mga taong sinalanta ng pagbaha sa Pangasinan ay makikinabang din ang mga ito sa oras na manalo ang kaso.
Samantala, tinatayang aabot sa 700 katao na ang nasawi, P17.669 bilyon ang pinsala sa imprastraktura at agrikultura habang halos 7 milyong katao ang naapektuhan sa magkasunod na bagyong Ondoy at Pepeng. (May ulat ni Joy Cantos)
- Latest
- Trending