Pepeng babalik
MANILA, Philippines - Kinatatakutan ngayon ang posibleng pagbalik ng bagyong Pepeng dahil sa hindi nito paglayo sa bansa.
Ayon kay Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) spokesperson Nathaniel Cruz, huling namataan ang bagyong Pepeng sa layong 80 kilometro ng hilaga-hilagang-kanluran ng Laog City at taglay pa rin nito ang lakas na 120 kph at pagbugsong umaabot ng 150 kph.
Ipinaliwanag ni Cruz na ang posibleng pagbalik ni Pepeng ay bunsod ng “interaction” nito sa paparating pang bagyo na may international name na “Melor” na ngayon ay wala pa naman sa area of responsibility ng bansa kaya wala pa itong pangalang lokal. Magiging mabagal si Pepeng sa susunod na 48-oras kaya naman magdadala pa rin ito ng ulan at malakas na hangin, lalo na sa Ilocos at mga lugar sa Northern Luzon.
“Maari pong bumalik ito (Pepeng), papunta uli ng Northern Luzon. Isa po ito sa ating tinitingnan, unang-una po, dahilan sa kaniyang interaction dito sa dumarating na bagyo na si “Melor,” ayon kay Cruz.
Ngunit, si Melor aniya ay malaking banta sa bansa dahil posibleng bukas ay pumasok na ito sa Pilipinas kundi pa rin mababago ang tinatahak nitong direksiyon.
Nakataas pa rin ang storm signal no. 3 sa mga lalawigan ng Batanes, Northern Cagayan, kasama ang babuyan at palayan island, Ilocos Norte at Apayao.
Habang signal no. 2 naman ang Ilocos Sur, Abra, Kalinga at ilang bahagi ng Cagayan. At signal no. 1 sa La Union, Benquet, mountain province, ifugao, Isabela, Pangasinan, at Nueva Viscaya. Binalaan din ng Pag-Asa ang mga residenteng nakatira sa mga coastal area at paanan ng bundok na muling magsilikas dahil sa posibleng flashfloods at landslides.
Samantala sinabi naman ni Philippine National Police - Disaster Management Task Force commander C/Supt. Nick Bartolome na 290 katao ang nasawi sa bagyong Ondoy habang dalawa din ang patay sa bagyong Pepeng at may kalahating milyong pamilya ang inilikas para di mabiktima ni Ondoy at 327 pamilya naman sa bagyong Pepeng ang nailigtas.
Umaabot naman sa P5.39B ang halaga ng mga inprastraktura at agrikultura, ayon naman kay NDCC Chairman at Defense Sec. Gilbert Teodoro sa pagbisita nito sa mga apektadong pamilya sa Cagayan kung saan umaabot na sa 6,036 katao mula sa 1,242 na pa milya ang inilikas na apektado ng pagbaha sa bu- ong lalawigan.
Tiniyak naman ni Teodoro na may sapat na supply ng relief goods ang NDCC para sa mga biktima ng bagyo, habang inuumpisahan na ang clearing operations sa mga lugar na hindi masyadong matindi ang epekto ng bagyo.
- Latest
- Trending