OFW todas sa riot
MANILA, Philippines - Patay ang isang Overseas Filipino Worker na kabilang sa mahigit 200 Pinoy deportees matapos na magka-riot sa loob ng selda ng mga ito habang naghihintay ng deportasyon sa Saudi Arabia.
Sa ulat ng Mirante Middle East, tinukoy sa pangalang Edward ang pagkakakilanlan ng nasabing PInoy worker kung saan ito ay nasawi sa loob ng cell number 1 ng Haji Airport Deportation Center sa Jeddah.
Ayon kay Migrante Middle East coordinator John Leonard Monterona, kalunos-lunos umano ang sinasapit ng mga OFWs sa naturang deportation jail dahil nagkakagulo ang mga preso dito na kinabibilangan ng mga Pinoy at ibang dayuhan dahil sa pag-uunahan na makakuha ng supply ng pagkain at inumin.
Bunsod nito’y, matinding bugbog at sugat sa katawan ang tinatamo ng mga OFWs dito kaya naman patuloy na nanawagan ang naturang grupo at ang mahigit na 200 PInoy sa pamamagitan ng Kapatiran sa Gitnang Silangan na pauwiin agad ang mga ito upang hindi na lalo pang mapahamak.
Sinabi pa sa ulat na dinala ang mga na-stranded na Pinoy na una ng nahuli sa ilalim ng Khandahar bridge sa iba’t-ibang selda sa deportation center at inihalo sa iba pang dayuhang nakakulong dito.
Nanawagan din ang Migrante kay Pangulong Gloria Arroyo na agad saklolohan ang mga biktimang OFWs. (Ellen Fernando)
- Latest
- Trending