P20-M libel isinampa ni Erap vs Yuchengco
MANILA, Philippines - Ipinagharap ng kasong P20 milyong libel ni dating pangulong Joseph Estrada ang business tycoon na si Alfonso Yuchengco dahil sa alegasyon nitong ginipit siya ng una para ibenta ang shares sa Philippine Long Distance Telecommunication Company noong 1998.
Bukod kay Yuchengco, kabilang din sa kinasuhan sina Philippine Daily Inquirer publisher Isagani Yambot; Editor-in-Chief Letty Magsanoc at ang mga reporter na sina Daxim Lucas, Christine Avendaño at Doris Dumlao dahilan sa paglathala sa naturang balita hinggil sa umano’y negatibong pahayag ni Yuchengco laban sa dating pangulo.
Sa anim na pahinang reklamo ni Estrada na isinumite kay San Juan Prosecutor Tomas Ricalde Jr., sinabi nito na walang katotohanan ang naturang alegasyon ni Yuchengco na ginamit ni Estrada ang posisyon para pilitin ito na ibenta ang shares sa PLDT sa negosyanteng si Manny Pangilinan.
Sinabi ni Estrada na malisyoso ang nasabing pahayag ni Yuchengco at sinisira nito ang reputasyon, lalo pa plano nitong kumandidato sa 2010 presidential election.
Nangako naman si Estrada na kung mananalo ito sa kaso ay ibibigay ang P20M danyos sa mga biktima ng Pacific Plan na nasa ilalim ng Yuchengco Group of Companies.
Magugunita na kinumpirma ni Yuchengco ang expose na pinasabog ni Senador Panfilo “Ping” Lacson sa Senado hinggil sa panggigipit umano ni Erap sa pamilya Yuchengco para ibenta ang 7.75 % ng shares nito sa PITC, Metro Pacific Company ng PLDT ni Pangilinan, para tuluyan ng makontrol ng Metro Pacific Co., ang PLDT. Ito ay agad naman itinanggi ng kampo ni Pangilinan at nilinaw na isa itong lehiti mong komersiyal na transaksiyon.
Una na rin ibinunyag ni dating Securities and Exchange Commission Chairman Perfecto Yasay na tumanggap umano ng P3 bilyong komisyon si Erap sa PLDT deal. Ito din ang isa sa mga nagbigay-daan para mapatalsik si Estrada sa pagkapangulo ng bansa noong 2000. Bumaba naman ang sentensiya nito sa kasong plunder noong Setymbre 2007 at nakalaya ilang buwan matapos na bigyan ng executive clemency ni Pangulong Arroyo. (Joy Cantos)
- Latest
- Trending