Modernisasyon ng North Harbor hihirit na!
MANILA, Philippines - Kinatigan kahapon ni Quezon City Congressman Danilo Suarez ang proyektong modernisasyon ng Manila North Harbor upang makahanay ito sa mga makabagong daungan sa ibang mauunlad na bansa.
Ang proyekto na nauna nang sinuportahan ng mga negosyante ay makapagpapaunlad sa ekonomiya dahil magiging sentro ng kalakalan ang Maynila, ani Suarez.
Ayon sa mambabatas na chairman ng House oversight committee, maraming Pilipino ang higit na makikinabang sa modernisasyon ng North Harbor bilang sentro ng kalakalan at pagbiyahe sa bansa.
Ayon kay Tricia Sandejas, tagapagsalita ng Harbour Center Port Terminal na kasama sa proyekto, nakatitiyak sa kanilang trabaho ang mahigit sa 5,000 manggagawa sa pantalan bilang pagsunod nila sa Terms of Reference na inilabas ng Philippine Ports Authority para sa kontrata.
Ayon sa proponent ng proyekto, ang modernisasyon ng Manila North Harbor ay kailangan dahil, sa kasalukuyan, ang mga pier nito ay malapit nang masira at mabulok.
“Ang mga gitgitan, overcrowding at laganap na kriminalidad ay magiging ganap na lang na gunita ng nakaraan,” ani Sandejas, kasabay ng pagsasabing isang 8-lane highway ang binabalak nilang itayo upang solusyunan ang problema sa trapiko sa paligid ng bagong North Harbor.
Hinimok din niya ang mga manggagawa sa North Harbor na huwag basta maniwala sa mga maling balita na ikinakalat ng ilang tao laban sa modernisasyon. (Butch Quejada)
- Latest
- Trending