Gulo nakikitang senaryo sa 2010 polls
MANILA, Philippines - Bagaman hindi niya tuwirang kinokontra ang pag-apruba ng Korte Suprema sa full poll automation sa Mayo 2010, gulo ang nakikitang senaryo ni Joey de Venecia III sa darating na halalan.
Ayon kay Joey, nararapat ikonsidera ng Comission on Elections (Comelec) ang pagsasagawa ng full automation sa National Capital Region lamang.
Bagaman inaprubahan ng Supreme Court ang poll automation, malinaw anya na hindi nito papayagan ang Comelec na ituloy ang awtomasyon kung posibleng may malaking problemang nakabinbin ukol dito.
“Tatlong araw bago ang eleksyon, idedeliver sa mga voting precincts ang 80,000 machines at hindi malayong magkaroon ng mga malalaking problema, lalo’t nangangailangan tayo ng 47,000 technician na magbabantay sa mga makina,” paglilinaw ni Joey na isang IT businessman na pioneer ng broadband technology sa Asya at tumulong magtatag ng call center industry sa bansa.
Binigyang-diin ni Joey na kahit pa makakuha ng 47,000 kwalipikadong computer technicians ang Smartmatic na nanalo sa bidding kaugnay ng computerized election sa Pilipinas, mas mainam pa rin kung sumailalim muna ang mga ito sa masinsinang pagsasanay upang matiyak na magiging malinis ang automated polls.
Hindi rin kumbinsido ang kilalang ZTE-NBN whistleblower na magiging katiwa-tiwala ng resulta ng halalan sa 2010, lalo na’t sa buwan ng Mayo ay madalas na masama ang lagay ng panahon. Isa anya sa maaaring ikasira ng automated polls ang mga bagyo, mechanical failure o pagkawala ng suplay ng kuryente sa kasagsagan ng bilangan ng boto. (Butch Quejada)
- Latest
- Trending