Noli may tiyansa pa
MANILA, Philippines - Apat na araw na lamang ang ibinibigay na taning ng Lakas-Kampi-CMD para kay Vice-President Noli de Castro upang magdesisyon kung aanib ito sa partido para mapa bilang siya sa pagpipilian upang maging standard bearer sa darating na 2010 elections.
Sinabi ni Presidential Political Adviser Gabriel Claudio, mapapasama lamang si VP de Castro sa selection process ng Lakas-Kampi-CMD kung siya ay magiging miyembro nito hanggang sa September 15.
Nagtakda ng September 15 deadline ang Lakas-Kampi upang magdesisyon si VP de Castro at iba pang politicians na gustong makuha ang endorsement ng partido.
Wika pa ni Claudio, hindi na magkakaroon ng extension ang September 15 deadline dahil kinabukasan (Sept. 16) ay maglalabas na ng final decision ang partido kaugnay sa magiging standard bearer nito na gaganapin sa EDSA-Shangri-La Plaza kung saan ay inaasahang dadalo din si Pangulong Ramos.
Sa kasalukuyan ay tanging sina MMDA chairman Bayani Fernando at Defense Sec. Gilberto Teodoro ang mga miyembro ng Lakas-Kampi-CMD na nagpahiwatig na ng kanilang intensyong tumakbong presidente.
Kamakailan ay inihayag ni de Castro na nakahanda niyang ihayag ang kanyang political plans para sa 2010 sa susunod na linggo.
Samantala, gusto umanong maka-tandem ni Teodoro si Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. sakaling ito ang mapiling standard bearer ng Lakas-Kampi.
Ayon sa isang source, nakakatiyak na si Teodoro sa basbas ng Malacanang kaya naghahanap na ito ng running mate.
Wala umanong mapiling vice presidential candidate si Gibo sa hanay ng mga itinuturing na presidentiable.
Sinabi ng source na nagdadalawang-isip si Revilla na tumakbong vice president at posibleng tumakbo na lamang ulit na senador.
Second choice lamang umano ni Teodoro si DILG Secretary Ronaldo Puno bilang running mate. Wala rin umanong balak si Gibo na makipag-tandem kay MMDA Chairman Bayani Fernando.
- Latest
- Trending